Kinuwestyon ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang security protocol ng Metrobank matapos nakawan ang isang branch nito sa Binondo Huwebes ng umaga.
Ito ay dahil hindi agad pinapasok sa bangko ang mga pulis para imbestigahan ang insidente.
Ayon kay Manila Police District (MPD) director Brig. Gen. Vicente Danao Jr., halos 2 oras bago nakapasok ang mga pulis sa ninakawang Metrobank.
Kung hindi anya sa presensya ni Mayor Isko ay hindi pa sila tinulungan ng mga tauhan ng naturang bangko.
Ikinatwiran naman ng bank personnel na sinusunod lamang nila ang alituntunin na itinakda ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Pero ayon sa Alkalde, maski anumang BSP rule ay hindi pwedeng makaharang sa operasyon o imbestigasyon ng pulisya.
Dapat anyang agad nakipag-tulungan ng bangko para nawala ang duda ng otoridad sa pangyayari.
“No amount of rule — even BSP — cannot intervene in police operation or investigation… If you will not cooperate, especially we have doubts in our mind, kailangan ma-erase ang doubts ng policemen sa initial na impormasyon,” ani Domagoso.
Duda rin si Mayor Isko sa timing ng pagnanakaw dahil nakapasok ang mga suspek bago pa ang banking hours.
Kinuwestyon pa nito kung paanong nalaman ng mga magnanakaw kung saan naroon ang CCTV cameras sa naturang branch.
“Tell me, before banking hours, kumakatok at 8:43, bubuksan mo ang pintuan? Holdupper alam saan ang CCTV? Now you tell me, ano ba tayo, malisyoso? Kailangan lang natin pagdudahan… Humawak ‘yung suspect, may fingerprint. Eh hinawakan din nila ang fingerprint,” dagdag ng Alkalde.
Samantala, sa kanilang pahayag ay kinondena ng Metrobank ang pagnanakaw.
Tiniyak ng banko na ligtas ang kanilang mga empleyado at handa silang makipag-tulungan sa otoridad.
Patuloy namang inaalam ang halaga ng pera na nakuha sa bangko.