Ayon sa Municipal Health Office, mula lamang May 15 hanggang July 8 ay umabot na sa 101 ang dengue cases kanilang bayan.
Patuloy ang pagtaas ng kaso ng sakit sa Eastern Visayas kaya naglabas ang DOH ng dengue alert sa rehiyon.
Batay sa datos ng Department of Health (DOH) umabot na sa 4,550 ang kaso ng dengue sa Eastern Visayas kung saan 19 na ang nasawi.
Samantala, sa Iloilo, 4,303 ang kaso ng dengue ang naitala mula noong Enero at sa ngayon ay nagkakaubusan na ng hospital bed dahil sa dami ng pasyente.
Maging sa Cotabato ay lumobo ang naitalang kaso ng sakit sa 3,350 nitong January hanggang July 2019 mula sa 1,089 sa kaparehong panahon noong 2018.
Triple rin ang naging pagtaas ng kaso ng dengue sa Caraga Region kung saan umabot na sa 6,100 ang dengue cases nitong January hanggang July 2019 kumpara sa 1,869 sa kaparehong panahon noong 2018.
Sa isang press conference noong Martes, nauna nang sinabi ng DOH na umabot na sa 98,179 ang kaso ng dengue sa buong bansa sa unang anim na buwan ng taon, mas mataas sa 53,475 noong 2018.
Dahil dito, sa isang Facebook post kahapon, araw ng Miyerkules, muling hinikayat ng kagawaran ang publiko na pangalagaan ang sarili laban sa kagat ng lamok.
Pinayuhan ang mga makararamdam ng mga sintomas ng dengue lalo na ang may lagnat ng dalawang araw na agad na kumonsulta sa doktor.