Rep. Defensor, nag-sorry kay Mayor Sara Duterte ukol sa pagkakadawit sa Speakership issue

Nag-sorry si Anakalusugan Rep. Mike Defensor kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pahayag nito tungkol sa sinasabing text message ng Presidential daughter.

Sa naturang text message, sinabihan umano ng alkalde ang mga kongresista na iboto kung sino ang gusto nilang maging Speaker dahil na-set up ng gahamang cabinet members si Pangulong Rodrigo Duterte.

Pero sa isang statement, itinanggi ni Mayor Sara na galing sa kanya ang nasabing mensahe at hinamon si Defensor na pangalanan ang kongresistang nakatanggap umano ng naturang text message na sinasabing galing sa kanya.

Paglilinaw naman ni Defensor, wala siyang sinabing galing kay Mayor Sara o sa kongresista ang mensahe.

Gayunpaman, hindi na aniya dapat itong ipinakita kaya gusto niyang mag-sorry sa alkalde kung na-offend ito.

Inamin rin ng kongresista na nagtanong siya kay Mayor Sara sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Atty. Charo Munsayac dahil nalito at nasorpresa daw sila sa kinahinatnan ng labanan sa Speakership.

Ayon kay Defensor, mali at unfair na kinaladkad niya sa isyu ang pangalan ng anak ng pangulo.

Read more...