Precinct commander sa Lawton sinibak ni Mayor Isko Moreno dahil sa namamahong paligid ng Bonifacio Shrine

Ipinasibak sa pwesto ni Manila Mayor Isko Moreno ang station commander sa Lawton Police Precinct.

Ito ay makaraan ang inspeksyon ni Moreno sa palibot ng Bonifacio Shrine at maamoy ang hindi kanais-nais na amoy.

Natuklasan ng alkalde na ginagawa nang palikuran ang malawak na lugar kaya hindi maganda ang amoy.

Dismayado din ang alkalde sa madungis na itsura ng lugar.

Nang ikutin ng alkalde ang shrine ni Gat Andres Bonifacio, punung-puno ito ng dumi ng tao. Aksidente pa ngang nakatapak ng dumi ang alkalde.

Maging ang bantayog ni Emilio Jacinto na puno ng sulat ay hindi nakaligtas kay Moreno.

“Lahat ng puno, linisin ninyo. Tapos pinturahan niyo agad si Emilio Jacinto, kawawa naman si Emilio Jacinto eh,” ayon sa atas ng alkalde sa Department of Public Safety (DPS).

Agad na ipinag-utos ni Moreno na ipatanggal sa pwesto ang precinct commander ng Lawton na syang nakakasakop sa Bonifacio Shrine.

Iniutos din ng alkalde na i-sanitize ang lugar at saka ito ibalik bilang maayos at pasyalang parke.

Read more...