Duterte: Militar at pulisya dapat palakasin

Photo from an RTVM video

Dahil sa pakiramdan na “very dangerous” ang paparating na panahon, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na dapat ay patuloy na palakasin ng gobyerno ang kakayahan ng militar at pulisya.

Sa kanyang talumpati sa appreciation dinner para kay outgoing Speaker Gloria Arroyo, sinabi ng Pangulo na plano niyang umalis ng Malakanyang sa 2022 na malakas ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).

Nais ng Pangulo na iwan ang AFP at PNP na may sapat na panlaban sa mga kaaway ng estado.

Dahil dito ay hiniling ng Pangulo ang suporta ng Kongreso sa kanyang administrasyon sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga batas na titiyak sa mas malakas na militar at pulisya.

“I hope that by the time I make my exit all that would be in place. I am not belittling the events to come, or the person coming in to be the next President. I don’t know who. I’d rather leave with a strong military and police [that are] equipped to challenge the enemies of the state, especially terrorism,” ani Duterte.

Dagdag ng Pangulo, ramdam niyang laging pinapawisan ang kanyang mga kamay kapag naiisip ang posibilidad na pagtugon sa terorismo sa mas malawak na sakop nito.

“I see very dangerous times ahead. And I hope that we will be able to contain whatever there is really to… My hands sweat just thinking about [what would happen] if it would go awry outside of Sulu and Basilan Islands,” dagdag ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo, mayroon ng “valuable assets” ang AFP pero may kailangan pa anyang mga instrumento sa paglaban sa terorismo.

Plano ng Pangulo na talakayin kung paano haharapin ng gobyerno ang terorismo sa susunod na mga taon.

 

Read more...