Arroyo nagpasalamat kay Duterte sa tulong para mabasura ang kanyang plunder cases

Pinasalamatan ni dating pangulo at dating House Speaker Gloria Macapagal Arroyo si Pangulong Rodrigo Duterte sa naging tulong nito para mabasura ang plunder cases na isinampa laban sa kanya ng administrasyong Aquino.

Sa talumpati sa isang appreciation dinner araw ng Martes, sinabi ni Arroyo na nagkaroon ng papel si Duterte para magdesisyon ang Korte Suprema na siya ay mapawalang sala.

“Most of all, I thank you that when you became president, you provided the atmosphere in which the court had the freedom to acquit me of the trumped up charges of my successor and your predecessor,” ani Arroyo.

Magugunitang nakulong ng apat na taon si Arroyo sa Veterans Memorial and Medical Center.

Iniharap sa kasong plunder ang dating presidente dahil sa umano’y iligal na paggamit sa ₱366 milyon na intelligence funds ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) mula taong 2008 hanggang 2010.

Ani Arroyo, bumoto ang Korte ng 11-4 pabor sa kanya kasama pa ang ilan sa mga hukom na itinalaga mismo ni Aquino sa pwesto.

“The Court voted 11-4 in my favor, including half of those who were appointed by my accuser,” giit ni Arroyo.

Pinasalamataan din ng dating pangulo si Duterte dahil sa naging suporta nito sa kanya sa loob ng tatlong dekada mula sa pagiging senador hanggang maging presidente at Speaker.

“I thank you also for the active help you gave me in fighting drugs, kidnapping and all the threats to peace and stability when I was president. And after that, I thank you for describing me as a friend, both during your campaign for the presidency and after you were elected,” ani Arroyo.

Bumaba na sa pagka-speaker si Arroyo noong nakaraang buwan sa pagtatapos ng 17th Congress at matapos ding maabot ang ikatlo at huling termino bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Pampanga.

 

Read more...