Duterte: Militar maaaring mag-kudeta

Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na maaaring magsagawa ng kudeta ang militar kung magpapatuloy ang mga problema na kinakaharap ng bansa.

Binanggit ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kamakailan ay muling nanawagan ang Pangulo sa mga mambabatas na amyendahan ang Konstitusyon.

Nagbabala pa anya ang Pangulo na naging “restive” o tila aligaga ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa gitna ng malawakang kurapsyon sa gobyerno.

“Ang premise noon, under the Constitution the AFP is the protector of the people. So kung ang military alam nila na maraming kalokohan, maraming korapsyon — gaya nga ng sinasabi ni Presidente, iyong sa Manila Water, iyong mga kontrata, masyadong onerous. Alam na ng military iyon. So nagre-react sila doon: Bakit ganyan,” pahayag ni Panelo sa press briefing sa Malakanyang araw ng Martes.

Mainam anyang babala sa lahat na kapag nagalit ang militar ay posibleng mag-kudeta ang mga sundalo.

Ito anya ang dahilan kaya sinabi ng Pangulo na kung maglulunsad ng kudeta ang AFP ay huwag nang magdala ang mga sundalo ng tangke at kausapin na lamang siya.

Paliwanag ni Panelo, maaaring may natanggap na impormasyon ang Pangulo ukol sa posibleng kudeta.

Ilang beses nang sinabi ni Duterte na mayroon siyang ilang opsyon na pwedeng gawin sakaling lumala ang mga problema.

Ayon kay Panelo, kabilang dito ang deklarasyon ng martial law o revolutionary government o paggamit ng emergency powers.

Pero sinabi rin ng Kalihim na walang magtatagumpay na kudeta laban sa Pangulo dahil wala itong makukuhang suporta mula sa publiko na nananatiling kuntento sa trabaho nito.

 

Read more...