Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte si bagong talagang Philippine Health Insurance Corp. (Philhealth) President at CEO Ricardo Morales na simulant na ang case build-up para sa mga sangkot sa fraudulent claims.
Sinabi ni Morales na gusto ng pangulo na kaagad na makasuhan ang mga sangkot sa iba’t ibang katiwalian sa loob ng ahensya pati na rin ang ilang mga nakinabang sa pondo ng Philhealth dahil sa mga iligal na transaksyon.
Nais ng pangulo na kaagad na masampolan ang ilang mga sangkot sa katiwalian para hindi na pamarisan ayon pa sa opisyal.
Si Morales ay itinalaga ng pangulo sa Philhealth makaraang alisin ang mga dating opisyal ng ahensya sa gitna ng kontrobersiya kaugnay sa mga pekeng claims kabilang na ang nabistong dialysis scam.
Ipinag-utos rin ng pangulo ang paglilinis sa loob ng Philhealth sa anumang kaso ng katiwalian.
Bago naitalaga bilang pinuno ng Philhealth, si Morales na isang retired military general ay dating board member ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).
Kabilang sa mga kinakaharap niyang problema sa kasalukuyan ay ang 15,000 mga kaso may kaugnayan sa financial leaks sa pondo ng naturang ahensya.