Ronnie Ricketts nagpiyansa sa kasong graft

ricketts
Kuha ni Marc Jayson Cayabyab ng Inquirer.net

Naghain ng piyansa sa kinakaharap na kasong graft sa Sandiganbayan si Optical Media Board (OMB) Chairman Ronnie Ricketts.

Personal na nagtungo sa anti-graft court si Ricketts para ihain ang P30,000 na piyansa.

Sa 4th division ng Sandiganbayan nai-raffle ang kaso ng OMB Chairman.

Aminado si Ricketts na nag-alala siya nang malamang siya ay sinampahan ng kasong katiwalian at kinailangan niya itong ipaliwanag sa kaniyang pamilya upang hindi sila maapektuhan.

Sa kabila nito tiwala si Ricketts na mapapawalang sala siya sa kaso.

Kapwa akusado ni Ricketts sa kaso ang apat pang opisyal ng OMB na sinasabing pumayag na maibalik ang mga DVD at VCD sa may-ari na Sky High Marketing Corp. sa halip na kasuhan ang kumpanya.

Samantala, nai-raffle na rin ng Sandiganbayan ang kaso laban naman sa negosyanteng si Cedric Lee.

Ang 3rd division ng anti-graft court ang didinig sa mga kasong malversation at graft laban kay Lee sa ilalim ni Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang.

Kinasuhan si Lee na nasangkot sa pambubugbog sa aktor na si Vhong Navarro, dahil sa umanoy maanomalyang P23.47 milyon na utang sa bangko para sa konstruksyon ng palengke sa Bataan./ Jong Manlapaz, may ulat mula kay Len Montaño

Read more...