Pondo para sa ahensya ni Binay, napunta kay Roxas

30_roxasBinay-660x495
Inquirer file photo

(updated) Inakusahan ni Vice President Jejomar Binay si Pangulong Noynoy Aquino ng pag-divert ng pondong para sa housing agencies patungo sa kaban ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ayon kay Binay, sinuklian naman niya ng mabuting pagtatrabaho ang pagkakatalaga sa kaniya ni Pangulong Aquino bilang Housing at OFW Czar. Pero may mga pagkakataon na ang budget na dapat ay para sa housing agencies ay ibinibigay naman sa DILG na pinamumunuan ng kaalyado ni PNoy na si DILG Sec. Mar Roxas.

“Yun nga lang, ang budget na dapat napunta sa mga housing agencies ay ibinigay naman sa DILG na hindi naman trabaho ang magtayo ng mga bahay,” Pahayag ni Binay sa media nang makipagpulong ito sa mga senior citizens sa Navotas Sports Complex.

Ayon kay Binay, sa ilalim ng kasalukuyang pamahalaan, pulitika ang nagdidikta kung sino ang bibiyayaan ng mas malaking budget, at partikular na nabibigyan ay ang mga kakandidatong kapartido ng administrasyon.

Sinabi ni Binay na ang tanging dahilan ng pananatili niya bilang miyembro ng gabinete sa loob ng limang taon ay dahil nais niyang makatulong sa mga mahihirap.

Hindi rin nagustuhan ni Binay ang sagot ni Roxas na “natatawa” ito sa naging talumpati ng bise presidente.

Ayon kay Binay, ang mga usaping kaniyang inungkat sa kaniyang speech gaya ng kapalpakan sa MRT at paghihirap ng mga Pilipino ay hindi “nakakatawang” mga isyu.

Naglabas din ng sama ng loob si Binay sa mga dati niyang kasamahan sa gabinete.

Ayon kay Binay, pakiramdam niya ay para siyang may ketong kapag nagpapatawag ng Cabinet meeting ang Pangulong Aquino.

Ilang ulit na ring napabalita na si Binay ay madalas naiitsapwera o hindi naiimbitahan kapag may pagpupulong ang mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Aquino.

Sinabi ni Binay na kung ang mga harassment lang sa kaniya at sa kaniyang pamilya ang pag-uusapan ay kaya niya itong tiisin. Ang hindi umano niya mapayagan ay ang patuloy na paghihirap ng mga maralitang Pinoy.

“Para kang may ketong dun sa cabinet meeting. Kaya kong tiisin ang harassment sa akin at sa aking pamilya, pero hindi ko matatanggap ang araw-araw na kahirapan ng mga mamamayan nating naghihirap,” dagdag pa ni Binay.

Samantala, agad na bumuwelta si Roxas sa panibagong paratang ni Binay. Ayon kay Roxas, dapat balikan ni Binay ang datos kung saan makikita na mahigit P10 bilyon ang naibigay sa National Housing Authority (NHA) na isa sa mga ahensyang nasa ilalim ng Housing and Urban Development Council (HUDCC).

Sinabi rin ni Roxas na kamakailan lamang ay hiningi pa nga ni Binay ang suporta ni Pangulong Aquino para sa pangarap niyang tumakbo sa pagka-Pangulo sa 2016 pero nang tanggihan siya ay binatikos na nito ang administrasyon. / Jong Manlapaz, may ulat ni Dona Dominguez-Cargullo at Jan Escosio

Read more...