Deportation at ban ang nais na mangyari ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso laban sa isang Chinese national na nahuling umihi sa kalye sa Binondo Sabado ng gabi.
Bukod sa pag-ihi sa kalsada, sinapak pa ng dayuhan ang chairman ng Barangay 281 na si Jeff Lau na sumita sa kanya.
Base sa reklamo, ang Chinese ay nakilalang si Chito Villaluz, 45 anyos.
“If you hit our enforcer, if you attempt to hurt our policemen because you are (a) superpower, you believe that malaking bansa kayo, you are not welcome to the City of Manila,” pahayag ni Moreno sa press conference araw ng Lunes.
Ayon sa Alkalde, susulat sila sa Bureau of Immigration para hilingin ang deportation at ban laban kay Villaluz.
Bagamat welcome anya ang mga Chinese national sa Maynila dahil sa kanilang pagnenegosyo, dapat nilang igalang at sundin ang mga batas sa lungsod.
Kahit sino anyang dayuhan ay walang karapatan na umihi sa mga kalsada sa Maynila.
Nasa kustodiya na ng Manila Police Station 11 si Villaluz at nahaharap sa reklamong direct assault.