“Eddie Garcia Act,” inihain ni Rep. Romero sa Kamara

Inihain sa Kamara ni 1-Pacman party-list Representative Michael Romero ang “Eddie Garcia Act” para bigyang-proteksyon ang mga nagtatrabaho sa entertainment industry.

Ang “The Actors Occupational Safety and Health Standard Bill” o tinawag din ni Romero na “Eddie Garcia Act” ay inihain matapos ang hindi inaasahang pagkasawi ng beteranong aktor na si Eddie Garcia sa aksidente sa taping ng teleserye.

Sa ilalim ng House bill 191, kinakailangang mayroong mga safety at medical personnel sa lahat ng lugar ng habang patuloy ang taping.

Nakasaad din sa panukalang batas na sakaling magkaroon ng aksidente, kinakailangang bayaran ng kumpanya o producer ang gastos sa ospital ng empleyado hanggang sila ay makabalik sa trabaho.

Itinatakda rin ng House bill 191 na magkaroon lamang ng walo hanggang 12 oras na trabaho ang mga artista depende sa kanilang edad.

Kung mapatunayang lumabag sa panukalang batas ay maaring mapatawan ng P100,000 na multa ang mga kumpanya kada araw na hindi nila sinusunod ang batas.

Sakaling magkaroon ng susunod pang paglabag, mapapatawan ang employer ng P1 milyon kada araw at pagpapasawalang bisa ng prankisa nito.

Read more...