Pagpapakawala ng tubig ng Angat Dam, hindi pa maaring itigil

 

Inquirer file photo

Ikinababahala ng mga taga-Bulacan, lalo na ng mga nasa lugar na nakalubog ngayon sa baha, ang patuloy na pagpapakawala ng tubig mula sa Angat Dam.

Ayon kay National Power Corp. (NAPOCOR) president Gladys Sta. Rita, patuloy pa rin kasi ang pagdaloy ng tubig mula sa Sierra Madre patungo sa Angat dam kaya ito umaapaw.

Dahil dito, napilitan silang ipagpatuloy pa rin ang paglalabas ng tubig mula sa dam sa kabila ng pagbahang nararanasan na ng mga nakapaligid na munisipalidad ng Bulacan.

Binuksan ng NAPOCOR ang mga floodgates ng dam alas-5 ng hapon, Sabado, ngunit umabot pa rin sa 215.71 meters above sea level (masl) ang lebel nito pagdating ng Linggo at umakyat pa sa 215.81 masl naman pagdating ng Lunes.

Masyado na itong mataas kung ikukumpara sa spilling level ng nasabing dam na nasa 212 masl lamang.

Pangamba ni Calumpit Mayor Jessie de Jesus, baka magdiwang sila ng Pasko sa baha kung hindi pa ititigil ang pagpapakawala ng tubig mula sa dam.

Giit niya, dapat ay hayaan muna ng mga otoridad na humupa ang baha sa mga bayan bago muling maglabas ng tubig nang hindi na madagdagan pa ang kanilang pinagdurusahan.

Pero, pagtitiyak ni Sta. Rita sa mga apektado ng baha, binawasan na nila ang dami ng tubig na inilalabas nila dahil tumigil na rin naman ang mga ulan.

Aniya oras naman na ligtas na ang lagay ng dam, isasara na nila ang mga gates kahit pa lampas pa rin sa spilling level ang lebel ng tubig.

Samantala, napunta naman ang mga inilalabas na tubig ng Angat sa Ipo at Bustos dams na siyang nagpalala ng pagbaha sa mga bayan ng Norzagaray, Bustos, Pulilan, Calumpit, Hagonoy at Paombong.

Read more...