Hindi pa man natatapos ang kanilang kabuuang assessment sa lahat ng mga probinsyang nasalanta ng bagyo, nakapagtala na ang Philippine Red Cross (PRC) ng 3.5 milyong indibidwal na pawang naapektuhan ng bagyong ‘Nona’.
Ito ang tinatayang bilang na nasa datos ng PRC Operation Center, Lunes, sa 149 munisipalidad na naapektuhan ng bagyong ‘Nona’.
Personal na tumungo ang mga opisyal ng Red Cross sa Northern Samar upang pasinayaan ang mga relief efforts ng kanilang organisasyon sa mga nasalanta ng bagyo.
Kasama ang iba pang mga opisyal ng Red Cross, nakapagpamigay ang PRC ng mga relief packs sa 275 pamilya sa Daganas Elementary School sa Catarman, Northern Samar noong Sabado.
Ito’y pagkatapos nilang pangunahan ang assessment team na pumunta na sa mga bayan ng Catarman at Bobon upang matukoy kung gaano pa kalaki o karami ang tulong na kailangan nilang ipaabot sa mga nasalanta ng bagyo.
Kasama sina Ramsey Rayyis ng Inernational Federation of Red Cross and Red Crescent Societies (IFRC) a Daniel Puillet-Breton ng International Committee of the Red Cross (ICRC), ani Gordon ay kinausap nila ang mismong mga opisyal sa mga probinsya at bayan na kanilang dinalaw para suriin ang kabuuang pinsala sa kanilang mga lugar.
Dito rin nila tiniyak sa mga lokal na pamahalaan na magpapadala sila ng mga heavey equipment upang makatulong na linisin ang mga debris na idinulot ng pananalasa ng bagyo.
Tiniyak rin ng PRC na pupuntahan pa nila ang iba pang mga lugar na naapektuhan para sa mas komprehensibong assessment ng mga pinsala, at para na rin sa mas kumpletong tulong na maiaabot sa mga biktima.
Ayon sa IFRC ar ICRC, dadalhin nila ang kanilang mga reports sa Geneva headquarters upang maisagawa ang nararapat na humanitarian assistance sa mga nasalantang lugar.