Kinasuhan na sa Pasay City Prosecutors office ang nagpapakilalang kamag-anak ni Rajah Soliman dahil sa pamemeke ng mga titulo ng lupa ng ilang mga prime real estate property sa Metro Manila.
Kinilala ang mga akusado na sina Julian Tallano, at ang mga abugado nitong sina Robert del Rio at Romeo Campos na inirereklamo ng Maharlikans Center for Community.
Nahaharap si Tallano, na nagpapapkilalang prinsipe umano ng Pilipinas at dalawa pa nitong kasamahan ng limang counts ng paglabag sa Article 172 ng Revised Penal Code o falsification by private individuals and use of falsified documents at paglabag sa Paragraph 4 ng Article 171 Revised Penal Code o making untruthful statement in a narration of facts.
Isinampa ang kaso ni Daniel Frianeza, na kumakatawan sa angkan nina Don Roberto Madrigal Acopiado.
Gumagamit umano ng mga pekeng titulo ng lupa ang grupo ni Tallano upang makamkam ang maraming mga lupain kabilang na ang lupa kung saan nakatayo ang Trinoma mall sa Quezon City na pag-aari ng mga Acopiado.
Dahil dito, lumapit ang pamilya Acopiado sa Criminal Investigation and Detection Group na siyang tumulong upang mabuo ang kaso laban sa grupo.