Organizers ng Ms. Universe gustong kasuhan ng mga Colombian

 

Inquirer.net/AFP

Dahil sa matinding kahihiyan na sinapit ng kanilang kandidata sa Ms. Universe 2015 beauty pageant , nagbabanta ang isang grupo ng mga abugado mula sa Colombia na sasampahan nila ng kaso ang organizers ng naturang event.

Naging maingay ang social media sa buong mundo matapos na aminin ng host na si Steve Harvey na nagkamali siya sa pag-aanunsyo ng pangalan ni Ms. Colombia bilang nanalong Ms. Universe.

Gayunman, makalipas ang ilang minuto, binawi ni Harvey ang kanyang anunsyo at sinabing ang kandidata ng Pilipinas ang tunay na nanalo at 1st runner-up lamang si Ms. Colombia.

Ayon sa Twitter user na si DELAESPRIELLAE, na Twitter handle ng abugadong si Abelardo dela Espriella, naapektuhan sa naturang insidente ang may 40 milyong Colombians na kinakatawan ng kanilang kandidata.

Hindi aniya masusukat ang pinsalang idinulot ng pangyayari sa kanilang mga kababayan na nagresulta sa matinding ‘material at moral damage’.

Ayon naman sa pinsan ni Ms. Colombia Ariadna Gutierrez Arevalo, nalagay sa matinding kahihiyan ang kanyang kaanak dahil sa naturang pagkakakamali.

Samantala, nananatili namang mapagkumbaba si Gutierrez sa kabila ng mga pangyayari.

“Everything happens for a reason. I am happy about everything I did and for achieving my dream,” pahayag ni sa Español.

Sinuportahan din ni 2008 Ms. Universe first runner-up Taliana Vargas ang kanyang kapwa Colombian sa kabila ng sitwasyong hinarap nito.

“For me, you are the most beautiful woman in the universe. The world is with you,” pahayag ni Vargas.

Maging si Colombian President Juan Manuel Santos ay nagbigay ng mensahe para sa kanilang kandidata.

“For us, you will always be our queen,” mensahe ni President Santos sa isang tweet./

Read more...