Ilang araw bago mag-Pasko, lubog pa rin sa baha ang anim na bayan sa lalawigan sa Bulacan.
Base sa ulat sa NDRRMC, apektado ang limampung libong pamilya na may katumbas na mahigit sa dalawandaan at limampung libong katao mula sa apatnaput anim na barangay.
Gayunman, dalawampung libong katao lang ang nananatili sa mga evacuation centers.
Pinakamatinding binaha ang mga bayan ng Calumpit, Hagonoy at Pulilan.
Nabatid na ang pagbaha ay bunsod ng pag-ulan na dala ng bagyong Nona at amihan.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi rin ni Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council Executive Officer Liz Mungcal na bukod sa pag-ulan, malaki rin ang naging epekto ng pagpapakawala ng tubig mula sa mga dam kaya tumaas ang baha sa ilang mga bayan.
Nagpakawala kasi ng tubig ang Angat at Ipo Dam nitong Linggo at dahil dito, imbis na humupa ang baha ay lalo pa itong tumaas.