Handa ang gobyerno na harapin ang anumang pag-iimbestiga sa umiiral na war on drugs ng administrasyong Duterte.
Ito ang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra kasunod ng resolusyon ng Iceland sa United Nations (UN) na magkaroon ng konkretong hakbangin sa mga patayang nagaganap kaugnay sa kampanya kontra droga.
Ngunit paglilinaw ni Guevarra, ang pagharap ng Pilipinas ay nakadepende sa pangangailangan at kung talagang dapat nang malinawan ang mga may maling pananaw ukol sa kampanya dahil sa nakukuhang mali o kulang na impormasyon.
Sa inihain draft resolution ng Iceland sa UN Human Rights Council, hiniling na magkaroon ng komprehensibong ulat ukol sa kalagayan ng karapatang-pantao sa Pilipinas.
Nabatid na higit 20 bansa na ang sumusuporta sa nais ng Iceland.
Kapansin-pansin lang na ang posisyon ni Guevarra ay taliwas sa mga nauna nang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang bansa dapat ang nakikialam sa mga kaganapan sa Pilipinas.