85% ng pondo para sa pagsasaayos ng mga nasirang pasilidad ng gobyerno ng bagyong Yolanda, na-liquidate na

Na-liquidate na ang 85 porsyento ng pondo para sa pagsasaayos ng mga pasilidad ng gobyerno na nasira ng Super Typhoon Yolanda, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).

Katumbas ito ng P3.455 bilyon sa kabuuang P4.055 bilyong pondo para sa konstruksyon ng mga pasilidad ng gobyerno.

Ito ang naging tugon ng DILG sa 2018 report ng Commission on Audit (COA) kung saan nabigo umanong ma-liquidate ang P1.059 bilyong pondo sa ilalim ng Recovery Assistance for Yolanda (RAY) project.

Sakop ng proyekto ang pagsasaayos sa mga pasilidad ng gobyerno na nasira ng bagyo tulad ng mga municipal hall, public market, civic center at iba pa.

Ngunit ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, 15 porsyento o P600.67 milyong pondo na lamang ang hindi pa na-liliquidate hanggang July 4, 2019.

Hindi aniya naisama sa COA report ang ibang nagawang aksyon sa proyekto mula January hanggang June ngayong taon.

Sinabi pa ng COA na sakop ng unliquidated funds ang P219 milyong alokasyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at P839 milyon para sa mga local government unit (LGU).

Nilinaw naman ni Año na inilipat na ang mga nasabing pondo sa DPWH at mga LGU na ipinag-utos na ang pagsasagawa ng liquidation dito.

Read more...