Lisensya upang makapag-operate, igagawad na sa ikatlong Telco

Inanunsyo ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Senior Undersecretary for Operations Eliseo Rio, Jr. na ipagkakaloob na sa ikatlong telco player ang lisensya sa pag-o-operate sa Lunes, Hulyo 8.

Sa Meet the Press forum ng National Press Club, sinabi ni Rio na nakatakdang i-award sa Mislatel na pagmamay-ari ng negosyanteng si Dennis Uy ang kanilang tinatawag na Certificate of Public Convenience and Necessity gayundin ang pagkakaloob ng Frequency to Operate na gaganapin sa Malacanang Palace sa Lunes kasunod na rin ng pag apruba ng prangkisa nito mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Aniya, may 5 year commitment ang ikatlong telco na may bilis na 27 megabytes kaya inaasahang mas magkakaroon na ng magandang kompetisyon sa hanay ng mga telcos sa bansa.

Sinabi ng opisyal na kamakailan lamang ay naging kapansin-pansin na mas naging mabilis na ang serbisyo ng Globe at Smart matapos mapabalita na nalalapit ng magsimula ang ikatlong telco.

Napag-alamang tuloy-tuloy ang Mislatel sa isinasagawang paglalagay ng mga fiber optic cables at mga cell sites sa iba’t ibang panig ng bansa sa Metro Manila, Cebu at Davao kung saan inaasahang unang magkakaroon ng mga subscribers sa Metro Manila.

Ang pagkakaroon ng ikatlong telco player ay isa sa mga pangako na binitawan noon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magkaroon ng libreng serbisyong wifi at mapababa ang singil sa serbisyo ng telecommunications sa bansa.

Read more...