“Tumahimik ka na lang!”
Ito ang naging buwelta ng palasyo ng Malacanang kay dating Solicitor General Florin Hilbay sa gitna ng hirit na imbestigahan ng Senado ang verbal agreement nina Pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping.
May kaugnayan ito sa pahayag ng pangulo na pwedeng mangisda ang mga Chinese sa Exclusive Economic Zone ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, dapat nang itikom ang bibig ni Hilbay dahil hindi na siya Solicitor General ng Pilipinas.
Iginiit pa ni Panelo na ang isyu na ibinabato ni Hilbay na kumandidatong Senador sa katatapos na eleksyon ay naging paulit ulit na.
Nagdesisyon na aniya ang taong bayan hindi paniwalaan ang mga batikos ng mga kritiko gaya ni Hilbay.
Kumpiyansa naman si Panelo na hindi makaapekto sa popularidad ni Pangulong Duterte ang isyu sa West Philippine Sea partikular na sa Recto Bank incident kung saan inabandona ng Chinese fishing crew ang dalawampu’t dalawang mangingisda.