Term-sharing sa speakership nakababahala ayon kay Rep. Mike Defensor

Binalaan ni Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor ang mga kapwa-mambabatas laban sa nilulutong term-sharing at iba pang kasunduang may kinalaman sa speakership sa 18th Congress.

Ayon kay Defensor, inaalis nito ang kalayaan ng mga kongresista na ihalal ang nais nilang pinuno base sa kanilang konsensya.

Inihalimbawa niya si Pangulong Rodrigo Duterte na noong congressman pa lang ng Davao ay tinanggihan ang anumang political deals at bumoto ayon sa kanyang konsensya.

Sa katunayan, isa aniya ang pangulo sa limang natatanging sumuporta sa speakership bid ni Representative Joker Arroyo noong 1998 bagama’t bigo itong masungkit ang liderato.

Dahil dito, iginiit ni Defensor na dapat tularan ang paninindigan ni Pangulong Duterte at hayaang manaig ang conscience vote sa July 22 kung saan magsisilbing criteria sa pagpili ang mahusay na pamumuno, malawak na karanasan at nirerespeto ng mga kasamahan.

Reaksyon ito ni Defensor kasunod ng pahayag ni PDP-Laban President Koko Pimentel na papayag sila sa term-sharing basta’t ang mauunang maluklok sa puwesto ay si Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Read more...