Tiniyak ng Malakanyang na hindi na aagawin ng China ang mga nahuhuling isda ng mga Filipino sa West Philippine Sea.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, hindi na mauulit ang insidente noon na kinukuha ng China ang mga huling isda ng mga Filipino kapalit ng sigarilyo, noodles, tubig at iba pa.
Paliwanag ni Panelo, humirit kasi si Pangulong Rodrigo Duterte sa China na huwag nang galawin ang mga Filipinong mangingisda na papalaot sa may bahagi ng Scarborough shoal maging sa Recto Bank.
May mga tauhan aniya ngayon ang Philippine Coast Guard (PCG) na nagbabantay sa lugar para tiyakin ang kaligtasan ng mga mangingisda.
Kasabay nito, sinabi ni Panelo na nais na rin ng pangulo at ng China na tuldukan na ang kontrobersiya sa Recto Bank incident.
Ayon kay Panelo, sinasakyan at pinalalaki lamang ng mga kritiko ang insidente sa Recto Bank.