Ikinagalak ng mga Obispong Katoliko ang balita mula sa Vatican na nakatakdang i-canonize si Mother Teresa.
Ayon kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani, simbolo ng pagiging mapagbigay si Mother Teresa at sakaling tuluyan itong maging Santo, ay matuturuan nito ang mga Pilipino na lalong maging maalalahanin sa mga mahihirap.
Samantala, ayon naman kay Bishop Jose Oliveros, hindi lamang mga Pilipino ang magagalak sa canonization ni Mother Teresa kung hindi ang buong mundo.
Imahe aniya si Mother Teresa ng pagiging maawain ng Panginoon dahil ito mismo ay personal na nagsilbi sa mga mahihirap.
Mahal na mahal aniya ni Mother Teresa ang mga mahihirap at naging malapit ito sa mga Pilipino.
Si Mother Teresa ay nakatakdang i-canonize sa Rome sa September 4, sa susunod na taon.
Ito ay matapos kilalanin ni Pope Francis ang ikalawang himala o ‘second miracle’ ni Mother Teresa.
Inialay ni Mother Teresa ang kanyang buhay sa pagtulong sa mga mahihirap na residente ng Kolkata sa India.
Nanalo rin ito ng Nobel Peace Prize noong 1979.
Taong 2003 nang i-beatify si Mother Teresa ni Pope John Paul II.