Unang 10 panukalang batas ng senado para sa 18th Congress ikakasa ni SP Tito Sotto III

Sasamantalahin ni Senate President Vicente Sotto III ang pagkakataon kaya’t maghahain siya ngayon araw ng kanyang 10 ‘pet bills’ para sa 18th Congress.

Sinabi ni Senate Sec. Myra Villarica ang paghahain ng kani-kanilang panukalang batas ay depende sa ‘seniority’ o tagal sa serbisyo sa hanay ng mga senador kaya’t si Sotto ang nabigyan ng pagkakataon na unang maaring maghain ng kanyang ‘pet bills.’

Susundan siya nina Senate Minority Leader Frank Drilon, Sen. Panfilo Lacson, Sen. Francis Pangilinan at Senate President Pro Tempore Ralph Recto.

Nabatid naman na ang 10 panukalang-batas na ihahain ni Sotto ay ang pagkakaroon ng Medical Scholarship Act, Anti-Drug Penal Institution, Presidential Drug Enforcement Authority, Dangerous Drugs Court, SIM Card Registration Act, Anti-Fake News Act, Increasing the Penalty for Perjury, Prevention of Terrorism Act, Hybrid Election Act at 14th Month Pay Law.

Samantala, paliwanag pa ni Villarica, ngayon araw hanggang sa Huwebes ang first round ng paghahain ng mga panukalang batas at ang lahat ng senador ay maaring maghain ng 10 panukala, gayundin sa second round sa susunod na linggo.

Sa third round, ayon pa kay Villarica, ang paghahain ng mga panukala ay ‘first come, first serve basis na’.

Kaugnay pa nito, ang nagbalik na mga senador na sina Lito Lapid, Pia Cayetano at Ramon Revilla Jr., naman ang pang-anim hanggang pang-walo sa mga unang makakapaghain ng kanilang panukala.

Susundan sila nina Sens. Richard Gordon, Aquilino Pimentel III at Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri.

Kasunod nila sina Sen. Nancy Binay, Grace Poe, Sonny Angara, Cynthia Villar, Joel Villanueva, Sherwin Gatchalian, Leila de Lima at Manny Pacquiao.

Pang-huli ang mga baguhang senador na sina Bong Go, Francis Tolentino, Imee Marcos at Ronald dela Rosa.

Read more...