Ulat na wala nang tiwala sa kaniya ang pangulo itinanggi ni Sec. Piñol

Itinanggi ni Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol ang ulat ng Inquirer Mindanao kung saan binanggit umano niyang nawala na ang tiwala sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa kaniyang pahayag sa Facebook, nais din ni Piñol ng public apology matapos ang ulat ng Inquirer Mindanao na nagsasabing nagsumite ng liham kay Pangulong Duterte at hiniling niyang alisin na siya sa pwesto dahil nawalan na ito ng tiwala sa kaniya.

Ayon kay Piñol mali at baligtad ang balita na kinuha sa kaniyang speech sa inagurasyon ni North Cotabato Gov. Nancy Catamco.

Binanggit umano niya sa kaniyang speech na noong Disyembre 2018 nang kumalat ang mga balitang kumikita siya sa mga transaksyon sa National Food Authority ay nagpasailalim siya sa lifestyle check sa Presidential Anti-Corruption Commission.

At matapos ang pitong buwang imbestigasyon ay inabswelto siya.

Ikinuwento din umano niya sa nasabing speech na noong panahong iyon na nasasangkot siya sa katiwalian sa NFA ay nagsumite siya ng liham kay Pangulong Duterte at hiniling na alisin siya sa pwesto kung wala na itong tiwala sa kaniya.

Hanggang ngayon ay wala aniyang naging aksyon ang pangulo sa nasabing liham.

Pero binanggit din ni Piñol sa naturang speech na hiniling nga niya sa pangulo na alisin siya sa pwesto matapos ang mga alegasyon laban sa kaniya.

Paliwanag ni Piñol, binanggit lamang niya ang mga alegasyon at hindi niya sinabing nawalan na ng tiwala sa kaniya ang pangulo at wala rin siyang sinasabing siya ay paalis na sa pwesto.

Sinabi ni Piñol na ang writer ng artikulo ay dapat umaming siya ay nagkamali ng pagkakarinig at pagkaunawa sa kaniyang speech.

Read more...