Gumawa ng kasaysayan si Trump matapos tumapak sa Demilitarized Zone (DMZ) na naghahati sa Korean Peninsula na kauna-unahang beses para sa isang American president.
Matapos magkamayan sina Kim at Trump sa linya ng DMZ, naglakad pa ng ilang hakbang si Trump at nakapasok sa lupang sakop ng North Korea.
Ang biglaang pulong ng dalawa sa DMZ ay matapos ang imbitasyon ni Trump kay Kim sa Twitter araw ng Sabado.
Naganap ito matapos mauwi sa deadlock ang negosasyon ng Washington at Pyongyang sa denuclearization ng Korean Peninsula.
Sa kanyang weekly audience sa St. Peter’s Square, sinabi ni Pope Francis na ang pulong nina Trump at Kim ay isang magandang halimbawa ng ‘culture of encounter’.
Nanalangin ang Santo Papa na ang engkwentrong ito ay hakbang para matamo ang kapayapaan hindi lamang ng Korean Peninsula kundi ng buong mundo.
“In the last few hours we saw in Korea a good example of the culture of encounter. I salute the protagonists, with a prayer that such a significant gesture will be a further step on the road to peace, not only on that peninsula, but for the good of the entire world,” ayon kay Pope Francis.
Nauna nang sinabi ng Vatican officials na posibleng ikonsidera ng Santo Papa ang pagtungo sa North Korea sa ilalim ng ilang kondisyon kung makatutulong ito sa pagtamo sa kapayapaan.
Makailang beses nang ipinanawagan ni Pope Francis ang pagkakaisa ng dalawang Korea.