Consumer group umalma sa pag-apruba sa mas mataas na presyo ng ilang bilihin

Kwinestyon ng grupong Laban Konsyumer ang pag-apruba ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pagtaas ng suggested retail price (SRP) ng ilang bilihin.

Ayon kay Laban Konsyumer President Vic Dimagiba, batay sa kanilang monitoring, ilang brands ng condensed at evaporated milk ang pinayagang magtaas ng P0.25 hanggang P1.80.

Pinayagan din ang P1 pagtaas sa presyo ng isang brand 3 in 1 coffee at P0.50 hanggang P0.75 na dagdag-presyo sa ilang condiments.

Iginiit ni Dimagiba na hindi pa nakakaahon ang mga konsyumer sa tumaas na inflation rate noong nakaraang taon na ang dahilan din naman ay ang pagmahal ng pangunahing pagkain.

Pero sinabi ni DTI Usec. Ruth Castelo na ngayon lang ipinatutupad ang dagdag-presyo sa ilang produkto kahit dati na itong naaprubahan ng ahensya.

Dapat nga anyang noong 2018 pa ipinatupad ang mga taas-presyo pero ipinagpaliban ito dahil hindi pwedeng sabay-sabay ang taas-presyo.

Inaasahang sa kalagitnaan ng Hulyo maipatutupad ang bagong SRP ng ilang bilihin o matapos mailathala.

Ang pagmahal sa presyo ng raw materials ang isa sa mga dahilan ng pagtaas ng SRP ayon sa DTI.

Read more...