May alas na itinatago si Direk Joyce Bernal sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 22.
Sa panayam ng Radyo INQUIRER, sinabi ni Presidential Communications Operations Office Secretary Martin Andanar na maaaring itinatago na muna ni Direk Joyce ang kanyang mga baraha para i-surpresa ang taong bayan.
Kumpiyansa si Andanar na magiging matagumpay ang ikalawang directorial job ni Direk Joyce sa SONA ng pangulo.
Matatandaan na noong 2018 SONA, pinalitan ni Direk Joyce si Direk Brillante Mendoza.
Naniniwala si Andanar na dapat ding bayaran ang professional work ni Bernal.
Pero ayon kay Andanar, nag-uusap pa ngayon sina Direk Joyce at Radio TV Malacanang Director Demic Pabalan kung may bayad o wala.
Pro bono aniya o walang bayad si Direk Joyce sa nakaraang SONA.