Pagasa: LPA sa Sorsogon posibleng maging bagyo

Marilao Mdrrmo Rescue photo

Asahan ngayong weekend ang patuloy na pag-ulan sa Metro Manila at ilang lugar sa Luzon at Visayas dahil sa Habagat na hinahatak ng Bagyong Dodong kahit nasa labas na ito ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Ayon sa Pagasa, bukod sa Habagat ay isa pang sama ng panahon ang dahilan ng mauling weekend sa bansa.

Sa loob ng hanggang 48 oras ay posibleng maging ganap na bagyo ang low pressure area (LPA) na binabantayan sa bahagi ng Sorsogon.

Partikular na uulanin ngayong Sabado at Linggo ang Central at Southern Luzon kabilang ang Metro Manula gayundin sa Zambales, Bataan, Batangas at Cavite.

Magiging maulan din sa kanlurang bahagi ng Visayas dahil pa rin ng Hanging Habagat.

Sa susunod na mga araw ay inaasahang lalapit pa ang LPA sa Cagayan area na magpapalakas sa Habagat na magdadala ng katamtaman hanggang malakas na ulan sa Central at Southern Luzon.

Sakaling maging bagyo ang LPA ay tatawagin itong Egay pero hindi naman ito inaasahang magla-landfall dahil halos kapareho nito ang direksyon ng Bagyong Dodong.

Biyernes ng hapon ay binaha ang ilang lugar sa Luzon gaya sa Marilao, Bulacan kung saan abot tuhod ang baha sa ilang bahagi ng McArthur Highway at nahirapng dumaan ang maliliit na sasakyan.

Samantala, posible namang sa susunod na mga araw ay umulan sa paligid ng Angat Dam na makakatulong sa pagtaas ng antas ng tubig sa dam.

 

Read more...