3 patay, 9 sugatan sa pagsabog sa Sulu

Nasawi ang tatlong sundalo habang sugatan ang siyam na iba pa sa pagsabog sa loob ng military camp sa Indanan, Sulu Biyernes ng tanghali.

Sa isang panayam, sinabi ni Maj. Arvin Encinas, tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, naganap ang pagsabog sa loob ng kampo ng First Brigade Combat Team bandang 12:00 ng tanghali.

Bagong deploy aniya ang First Brigade Combat Team sa kampo sa bayan ng Indanan.

Agad namang isinugod ang mga sugatang sundalo sa ospital para mabigyan ng lunas.

Sa ngayon, sinabi ni Encinas na patuloy ang isinasagawang clearing operation para malaman kung sino ang responsable sa pag-atake.

Posible aniyang Abu Sayyaf Group (ASG) ang utak sa pag-atake dahil kilalang nagdadala ng tensyon ang teroristang grupo sa naturang probinsya.

Patuloy din ang isinasagawang imbestigasyon sa insidente.

Read more...