Sa ipinalabas na statement ni Velasco sinabi nito na walang anumang sinabi si Pangulong Duterte na term-sharing.
Ang malinaw anya ay ang pahayag ng pangulo na hindi siya makikialam sa isyu ng speakership race sapagkat kanya na itong ipinauubaya sa mga miyembro ng Kamara.
Unang kinumpirma ni Cayetano ang konsepto ng term-sharing upang maresolba ang gusot sa Speakership, sinang ayunan umano ng magkabilang panig at inaprubahan ni Pangulong Duterte subalit kalaunan ay umatras si Velasco.
Sa isang ambush interview, idinetalye ni Pangulong Duterte ang katotohanan at kung kung paano siya nilapitan sa kanyang kwarto sa Japan nina Cayetano at Velasco kung saan natalakay at napagkasunduan ang term-sharing kung saan mauupo si Cayetano ng 15 buwan at ang susunod na 21 buwan ay kay Velasco.
Hati naman ang mga mambabatas sa isyu ng term-sharing, may ilan ang tutol dito dahil na rin sa usapin ng stability ng Kamara ngunit may ilan na pabor lalo at inexperience si Velasco para pamunuan ang 3 taong buong termino.
Naniniwala din ang political analyst na si Ranjit Rye na term sharing ang sagot sa isyu sa Speakership sapagkat maaaring magresulta sa pagkahati-hati ng partido kung ipipilit na mamili sa pagitan nina Velasco at Cayetano na kapwa may mga kaalyadong kongresista.