Sinisisi ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez ang kawalan ng konsultasyon ng PDP-Laban sa kung sino ang pipiliin na susunod na Speaker kaya nagkakaroon ng pagkakahati ngayon ang kanilang partido.
Sa kauna-unahang pagkakataon nagsalita si Alvarez, secretary general ng partido at pinabulaanan ang pahayag nina Sen. Koko Pimentel, presidente ng PDP-Laban at Sen. Manny Pacquiao na nagkaroon ng konsultasyon sa desisyon na suportahan si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco sa speakership race sa 18th Congress.
Paliwanag ng dating Speaker, wala pang napipili ang kanilang partido na susuportahan dahil hinihintay nila ang anunsyo ni pangulong Duterte kung sino ang pipiliin nito.
Nauna ng sinabi ng pangulo na wala siyang susuportahan kung sino ang susunod na speaker ng 18th Congress dahil pare-pareho niyang kaibigan sina Velasco, Leyte Rep. Martin Romualdez at Taguig Rep. Allan Peter Cayetano.
Sa halip na pumili si Duterte, ay si Speaker Gloria Arroyo na lamang ang kanyang pinapaili kung sino ang susunod sa kanyang pwesto noong pagtitipon ng Hugpong ng Pagbabago (HNP).
Nauna nang binalewala ni Albay Rep. Joey Salceda, na isa sa 40 miyembro ng PDP-Laban na sumusuporta kay Romualdez na paparusahan silang mga miyembro ng ruling party na hindi boboto kay Velasco .