Ayon kay re-elected Bulacan Rep. Rida Robes, dapat hayaan silang bumoto na naayon sa kanilang konsensya at hayaang umiral ang demokrasya sa Kamara para sa bagong Speaker na siyang tunay na representante ng sambayanang Filipino.
Paliwanag ng mambabatas, hindi naman kailangang sundin ang dikta ng party leaders bilang pagsunod na rin sa kanilang constituents na bumoto sa kanila.
Nawa ay maging gabay din umano ng mga kongresista sa pagboto sa susunod na Speaker ang sinabi ni Pangulong Manuel Quezon na natatapos ang katapatan sa partido kapag nagsimula na ang pagiging matapat sa bansa.
Maaaring ito anya ang dahilan kaya hindi nag-endorso si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kongresista kung sino ang dapat iboto na susunod na Speaker.
Nauna rito, nagbanta si Senator Aquilino “Koko” Pimentel III na parurusahan ang kanilang kapartido sa PDP-Laban na hindi susuporta sa kanilang inendorsong kandidato sa Speakership race.