Partylist Coalition wala pa ring manok sa pagka-Speaker

Bigo pa rin ang Partylist Coalition na makapag-desisyon kung sino ang kanilang susuportahan na Speaker ng 18th Congress.

Ito ay sa kabila ng ipinatawag na emergency meeting ni 1-PACMAN party-list Representative Michael Romero na presidente ng Partylist Coalition na lumagda rin sa isang manifesto para sa Speakership bid ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Ang pinatawag na emergency meeting ni Romero sa may 54 miyembro ng coaliton ay para maresolba ang isyu sa kung sino talaga ang susuportahan nila na Speaker.

Subalit, ayon kay incoming ACT-CIS party-list Representative Niña Taduran, hindi pa nila na plantsa ang nasabing isyu kaya wala pang deklarasyon sa kung sino talaga ang susuportahan nila.

Dahil dito kaya muling itinakda ang pagpupulong ng coalition sa Hulyo 2.

Ayon naman kay Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin, pinaliwanag ni Romero sa kanilang pagpupulong kung bakit siya lumagda sa manifesto na sumusuporta kay Velasco at ito ay para mapigilan umano ang term sharing sa mga nagnanais na maupo bilang Speaker.

Sa kabila nito, nanindigan ang kongresista na block voting ang gagawin nilang pagboto para sa Speaker sa 18th Congress.

Read more...