Manifesto of support kay Rep. Velasco, pinalagan

Naging mapait sa panlasa ng ilang mambabatas na miyembro ng iba’t ibang partido at grupo ang ipinalutang na manifesto of support para sa House Speakership bid ni Marinduque Representative Lord Allan Velasco.

Ilang miyembro ng PDP-Laban ang pumalag na sa diumano’y pahayag ni Senator Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na maaring patawan ng ‘disciplinary actions’ ang mga hindi susuporta kay Velasco.

Ito anila ay parang pambu-bully sa mga miyembro ng administration party.

Samantala, may grupo ng PDP-Laban members, sina Reps. Ronnie Zamora (San Juan), Reps. Ronnie Zamora (San Juan)at Dan Fernandez (Laguna) ang nagsabi na si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano ang kanilang susuportahan.

Ayon sa tatlo, sa kanilang palagay, si Cayetano ang pinaka-kuwalipikadong mamuno sa Kamara at hindi rin maitatanggi na malapit ito kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Samantala, maging ang ilang miyembro ng partylist bloc ay pumalag din sa inilabas na manifesto of support.

Ayon kina Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin Jr., at Anak Kalusugan Rep. Mike Defensor, magiging personal ang kanilang pagboto at hindi para sa kanilang grupo.

Ikinagulat din ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III at dumistansiya pa ito sa pagpirma ng dalawa sa kanilang miyembro sa Nationalist People’s Coalition (NPC) sa naturang manifesto.

Aniya, hindi pa rin dapat isinapubliko ang anumang posisyon dahil sa nagsasagawa pa sila ng konsultasyon kung sino sa mga nangangarap na magiging House Speaker sa 18th Congress ang kanilang susuportahan.

 

Read more...