Ito ang sinabi ni Sen. Panfilo Lacson at aniya tama na sinabi ni Pangulong Duterte na hindi niya mapipigilan ang mga Chinese nationals kung mangingisda sa loob ng Pilipinas at ito aniya ay iba sa unang sinabi nito na papayagan niya ang mga ito.
Ayon pa kay Lacson gustuhin man ng Punong Ehekutibo na pigilan ang pagpasok ng mga banyagang mangingisda sa ating exclusive economic zone, wala tayong kapabilidad at kapasidad na gawin ito.
Kasabay nito, pinaninindigan ng senador ang kanyang sinabi na kailangan natin magpatulong sa US at isa iba pang kaalyadong bansa para bantayan ang China sa West Philippine Sea.
Taliwas ito aniya sa mga sinasabi ng mga makikitid na utak na kritiko na ang pahayag niyang ito ay maaaring maging mitsa ng digmaan.
Dagdag pa ni Lacson, kapag balanse ang kapangyarihan sa West Philippine Sea mas mapipigilan ang anumang giyera dahil walang dalawang makapangyarihang bansa ang papasok sa digmaan sa panahon ng nuclear technology ngayon dahil kapwa alam nila na walang mananalo sa kanila.