GSIS, nilinaw na maaari nilang ibenta ang P33B halaga ng lote sa Maynila na okupado ng isang pribadong kumpanya

Nanindigan ang GSIS na may karapatan sila na ipagbili ang isang lote sa Maynila na okupado ngayon ng International Container Terminal Services Inc. (ICTSI).

Sinabi ni GSIS President Jesus Aranas, bagamat wala silang karapatan na gamitin ang 67 ektaryang lupa sa Manila North Harbor, may karapatan naman silang ipagbili ito.

Sa pagtataya ni Aranas nagkakahalaga na ng higit P33 bilyon ang naturang lote.

Ngayon ay nakikipagmatigasan ang ICTSI at Philippine Ports Authority (PPA) sa GSIS kaugnay sa karapatan sa naturang lote.

Pagdidiin pa ni Aranas ilang beses na silang nagpahiwatig ng kanilang intensyon na makipag-ayos sa container port terminal operator at PPA ngunit walang silang natatanggap na positibong tugon.

Iginiit nito na gagawin niya ang lahat para protektahan ang interes ng mga miyembro ng GSIS sa lahat ng legal na pamamaraan.

Samantala, kinontra na ni Finance Usec. Antonette Tionko, na board member din ng PPA, ang posisyon ng GSIS ukol sa pinag-aawayang lote.

Read more...