Babaeng pulis patay matapos masagasaan ng cement mixer sa Pasig

EPD PIO photo

(UPDATE) Nasawi ang isang babaeng pulis na nagmamaneho ng motorsiklo matapos itong masagasaan ng isang cement mixer sa Pasig City Huwebes ng umaga.

Ayon sa imbestigasyon, tinangkang mag-overtake ng cement mixer sa motorsiklong minamaneho ni Police Corporal Arvi Jennifer Leaño sa kahabaan ng Bagong Ilog Flyover sa itaas ng C5 Road alas 7:00 ng umaga.

Nabatid na nasagi ng mixer ang motorsiklo ni Leaño, dahilan para sumemplang ang biktima at pumailalim at masagasaan ng trak.

EPD PIO photo

Ang biktima, na finance officer ng District Mobile Force Battalion ng Eastern Police District (EPD), ay papunta na sa kanyang trabaho nang ito ay maaksidente.

Samantala, isa pang motorcycle rider na kasunod ni Leaño ang sugatan naman sa aksidete.

Nakakulong na ang driver ng mixer na si Guillermo Paurente Jr., na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Nakikipag-tulungan naman sa imbestigasyon ang Megawide Transit Mixer, ang kumpanya na may-ari ng mixer.

EPD PIO photo

Nakikipag-ugnayan din ang kumpanya sa pamilya ng pulis para sa kaukulang tulong.

 

Read more...