Ayon kay Weather Specialist Gener Quitlong, ang Metro Manila kasama ang lalawigan ng Tarlac, Bulacan, Zambales, Bataan kasama ang Mindoro at Palawan ay patuloy na makakaranas ng madalas na pag-ulan dahil sa direktang epekto ng Habagat.
Apektado rin ng Habagat ang Ilocos region, nalalabing bahagi ng gitnang Luzon, nalalabing bahagi ng MIMAROPA at nalalabing bahagi ng CALABARZON ay magiging maulap ang kalangitan kung saan maaring magkaroon ng mga kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat at pagkulog.
Hindi naman apektado ng Habagat ang nalalabing bahagi ng Luzon. Ang Bicol Region at Cagayan Valley ay magkakaroon ng maulap hanggang sa bahagyang maulap na papawirin na may posibilidad na makaranas ng magandang panahon pero asahan pa rin ang pagkakaroon ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat at pagkulog.
Samantala, malaya namang makakapaglayag ang mga mangingisda dahil walang nakataas na gale warning sa anumang bahagi ng Pilipinas kung saan ang mga baybayin sa buong kapuluan ay magiging banayad hanggang sa katamtaman.
Sumikat ang araw alas-5:29 ng umaga at lulubog alas-6:29 ng gabi.