Kasabay nito, nagsagawa ng multi-party caucus ang nasa 40 kongresista sa Quezon City para pag-usapan kung paano mapapabilis ang pagpasa sa legislative agenda ng administrasyong Duterte.
Dito ay sinabi ni Romualdez na iginagalang niya ang desisyon ng ruling party subalit ang mas mahalaga sa ngayon ay pagkaisahin muna ang lahat upang maisulong ang mga panukalang batas para sa kapakanan ng mamamayan.
Itinuturing rin nito na ‘friendly competition’ ang agawan sa liderato pero sa huli ay nagsisimula naman ang tunay na trabaho pagkatapos ng botohan sa July 22.
Nilinaw naman ng kongresista na hindi pagpapakita ng puwersa ang ipinatawag na caucus dahil may kanya-kanya namang pambato sa Speakership ang mga mambabatas bagama’t susuyuin rin niya ang mga ito.
Pero sinabi ni House Majority Leader Fredenil Castro na sa mga susunod na pagtitipon ay inaasahan na ang presensya ng mas maraming kongresista na lumagda na sa manifesto of support para kay Romualdez.