Nagtamo ng galos sa kaliwang binti ang isang groundholder sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos mahulog sa hagdan nang biglang kumidlat, Martes ng gabi (June 25).
Nakilala ang biktimang si Joel Arejola, 30-anyos at empleyado ng Macroasia.
Ayon sa ulat na inilabas ng Manila International Airport Authority (MIAA), nahulog si Arejola habang nagtatanggal ng ground power unit (GPU) mula sa isang eroplano nang biglang kumidlat bandang 6:55 ng gabi.
Agad namang nabigyan ng lunas ang biktima at inabisuhan ng pamunuan ng paliparan na dalhin sa ospital ngunit tumanggi.
Maayos na ang kalagayan ng naturang groundholder matapos ang pagkakahulog.
Matatandaang itinaas ang Red at Yellow Lightning Alert sa mga paliparan dahil sa naranasang pagkidlat, Martes ng gabi. / Clarize Austria