Itinanggi ni Senator Panfilo Lacson ang mga haka-haka na pinaghahandaan na niya ang presidential election sa 2022.
Ginawa ito ni Lacson dahil sa paglutang ng mga alegasyon na matindi ang pagpuna niya sa malamyang pagtugon ng Malacañang sa Recto Bank incident dahil naghahanda siya sa muling pagsabak sa presidential election.
Tinangka ni Lacson na sungkitin ang pinakamataas na posisyon sa bansa noong 2004 ngunit kabilang siya sa mga tinalo ni dating Pangulong Gloria Arroyo.
Sa kanyang Tweet, sinabi ni Lacson na hindi niya pinaghahandaan ang 2022 at aniya anuman ang kanyang mga sinasabi ay pagpapahayag lang ng kung ano ang kanyang nasa isip o saloobin.
Aniya kadalasan ay seryoso siya, minsan ay nagpapatawa, pilyo, kontrobersyal, at nakakakabagot.
Sinabi pa nito, gustong gusto niya ang paggamit sa Twitter dahil nagagawa niyang makapag-isip, magberipika ng mga datos at siya ay natututo.
Ibinahagi din nito na siya ay may 22,218 Twitter followers, may sinunsundan na 374 Twitter accounts at nag-block ng 448 Twitter users.