Nagkaroon ng bahagyang pagtaas sa presyo ng karneng baboy mula sa local farmers na nagresulta sa mas mahal na bentahan sa mga pamilihan.
Sa monitoring ng Laban Konsyumer, tumaas ng P2 hanggang P5 ang presyo ng kada kilo ng baboy mula sa local hog raisers.
Mula sa dating P12,000 na presyo ng buong baboy ay mabibili na ito sa halagang P13,000.
Nagtataka si Laban Konsyumer president Atty. Vic Dimagiba sa pagtaas ng presyo ng baboy dahil ngayon lamang umano nangyari ito simula noong nakaraang taon.
Possible umanong ang ban sa pagpasok ng imported na baboy mula sa mga bansang may African Swine Fever (ASF) ang dahilan ng pagtaas ng presyo dahil sa bumabang suplay sa merkado.
Iminumungkahi ngayon ng Laban Konsyumer sa gobyerno na pag-aralan ang posibilidad ng pagpataw ng pansamantalang suggested retail price (SRP) sa karneng baboy.
Iginiit ng grupo na sa pamamagitan ng SRP ay mapaparusahan ang mga negosyanteng sobra ang pagprepresyo o overpricing.