Ayon sa 4am update ng PAGASA, sinabi ni weather forecaster Meno Mendoza na huling namataan ang sama ng panahon sa layong 595 kilometro Hilagang-Silangan ng Borongan City, Eastern Samar.
Hindi pa inaasahang magiging ganap na bagyo ang LPA sa susunod na 24 oras.
Pero ayon sa weather bureau, nakakaapekto na ang trough o extension ng bagyo sa Metro Manila, Visayas, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Caraga, Davao Region at lalawigan ng Aurora.
Magdadala ang LPA ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, pagkulog at pagkidlat sa nasabing mga lugar.
Nagbabala ang PAGASA ng posibilidad ng pagbaha at pagguho ng lupa sa panahong may malalakas na pag-ulan.
Samantala, ang nalalabing bahagi ng bansa ay makararanas naman ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may posibilidad ng mga pag-ulan dulot ng localized thuderstorms.