Nagparating ng pasasalamat si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga mangingisdang Vietnamese na tumulong sa mga mangingisdang Filipino na naiwan makaraang mabangga ng Chinese vessel ang sinasakyang bangka sa Recto Bank sa West Philippine Sea (WPS).
Idinaan ng pangulo ang pasasalamat sa idinaos na 34th Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit sa Bangkok, Thailand.
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, pinagsamantalahan ng pangulo ang okasyon para magpasalamat sa kapitan at crew ng Vietnamese vessel.
Ani Panelo, sinabi ng Punong Ehekutibo na ang mabuting akto ng Vietnam ay hindi makakalimutan ng mga mamamayang Filipino.
Idinaan aniya ng pangulo ang sinserong pasasalamat sa Vietnam sa pamamagitan ni Vietnamese Prime Minister Nguyen Xuan Phuc.
Dagdag pa nito, binanggit din ng pangulo ang usapin patungkol sa retreat ng ASEAN leaders.