Isang Koryano, natagpuang patay sa Antipolo City

Natagpuang patay ang isang may-ari ng travel agency at manunulat na Koryano sa Antipolo City.

Nakitang wala nang buhay ang biktimang si Joo Yeong-Wook sa bahagi ng Taktak Road noong June 17.

Ayon kay Col. Lou Evangelista, hepe ng Rizal police, nakita ang hotel key card sa salawal ng biktima sa I’M Hotel sa Makati City.

Batay sa ulat ng pulisya, lumabas sa imbestigasyon na sinabi ni Jewel Mallari, manager ng hotel, na pag-aari ng biktima ang key card para sa kaniyang tinutuluyang kwarto.

Napag-alaman ding ginagamit ng biktima ang ride-hailing applications sa pagbiyahe paalis at pabalik ng hotel.

Ayon sa Philippine National Police (PNP), patuloy silang nakikipagtulungan kay Chief Inspector Sungsoo Chang mula sa Korean Police para alamin ang mga posibleng lugar na pinupuntahan ng biktima.

Humingi na rin ang mga imbestigador ng kopya ng CCTV footage mula sa hotel at ilang establisimiyento na maaring binisita ng biktima.

Read more...