Sinimulan nang tuntunin ng National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang law enforcement units ang lugar na posibleng pinagtataguan ng founder ng Kapa Community Ministry International Incorporated na si Joel Apolinario.
Ito ay sa kabila ng hindi pa paglalabas ng korte ng warrant of arrest laban kay Apolinario at iba pang mga kasamahan nito sa grupong Kapa sa kasong una nang inihain ng Security and Exchange Commission.
Inihayag ni NBI Regional Director Atty. Patricio Bernales sa isang panayam na ipinag utos ng kanilang top officials na likumin ang lahat ng mga dokumento na maaaring magamit bilang ebidensya upang mapalakas pa ang kasong kinakaharap ng grupo ni Apolinario.
Matatandaang nakumpiska na lahat ng mga ebidensya at naisumite na ang mga ito ng NBI noong tinugis nila ang dalawang tanggapan ng Kapa sa bayan ng Opol, Misamis Oriental at Valencia City na sinaksihan mismo ni SEC Regional Director Atty. Reynato Egypto. (END/MP)