Ayon kay Police Lt. Col. Villaflor Bannawagan, pinuno ng Antipolo City Police, nakita nila ang isang hotel key card sa underwear ng biktima na kinilalang si Joo Yeong-Wook.
Tumugma naman ang nasabing key card sa isang hotel sa Makati City kung saan nananatili ang biktima.
Nang siyasatin ng pulisya ang silid ni Yeong – Wook, ay wala namang nakitang nawawala sa mga gamit nito.
Sa record ng pulisya, June 14 nang mag check in sa hotel ang 57 anyos na si Joo at nakatakdang mag check out sa June 17.
Ayon kay Bannawagan, wala namang nakitang kahina-hinala ang mga imbestigador sa CCTV footage ng naturang hotel.
Unang nakita ang biktima habang naglalakad sa J.P. Rizal Street malapit sa kanyang hotel bandang alas otso ng umaga noong June 15.
Nakasuot ng cap, long sleeved shirt at gray na maong shorts ang biktima, parehong damit na suot niya noong natagpuan siyang patay sa Antipolo City kinabukasan.
Ayon sa mga pulis, natagpuan ang katawan ni Joo sa isang madilim na lugar sa Taktak road, bahagi ng Barangay Dela Paz sa antipolo City.
May tama ng bala sa ulo, nakatali ng duct tape sa likod ang mga kamay at may takip ang bibig.
Nangako naman si Bannawagan na kanyang lulutasin ang kaso ngunit hanggang ngayon ay hindi padin matukoy ng mga pulis ang motibo sa likod ng pagpatay.
Ang pagpatay kay Joo ay ang pinakabagong krimen na may mataas na profile na kinasasangkutan ng isang koreano sa pilipinas, kasunod ng pagdukot at pagpatay sa south korean na negosyanteng si Jee Ick-Joo noong Oktubre 2016. (END/MP)