Bumuo ang Quezon City Police District (QCPD) ng special investigation task group (SITG) para sa imbestigasyon sa pagpatay sa isang pulis malapit sa headquarters ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame, Quezon City.
Sa inilabas na pahayag, sinabi ni QCPD director Brig. Gen. Joselito Esquivel Jr. na ipinag-utos nito ang agarang pagbuo ng SITG para tignan ang lahat ng posibleng anggulo sa pamamaril kay Police Staff Sergeant Fernando Diamzon.
Si Diamzon ay opisyal mula sa PNP-Intelligence Group.
Pinagbabaril si Diamzon ng dalawang gunman na nakasakay sa magkahiwalay na motorsiklo sa bahagi ng Col. Bonny Serrano Avenue sa Barangay Bagong Lipunan bandang 8:50, Biyernes ng umaga.
Ayon naman kay Lt. Col. Giovanni Caliao, commander ng QCPD Cubao Police Station 7, inaalam na ng mga imbestigador ang mga kasong nakahawakan ni Diamzon.
Posible kasi aniyang may koneksyon sa trabaho ang pamamaslang sa biktima.
Samantala, tiniyak naman ni Esquivel na hindi titigil ang pulisya sa pagtugis sa mga suspek.